Inaanyayahan ng Provincial Youth Development Council (PYDC) ang mga kabataang Nobo Esihano na makibahagi sa isasagawang Global Warming at Climate Change Forum sa ika 26 ng Nobyembre.
Sinabi ni PYDC head Billy Jay Guansing na layunin ng libreng forum, na idaraos sa Nueva Ecija Convention Center sa lungsod ng Palayan, na mabigyang kaalaman ang mga kabataan upang sila ay maging handa sa mga pagbabago ng panahon.
Naka-angla sa temang "Ikaw, Ako, Tayo: Kabataang Handa sa Klimang Nagbabago", tatalakayin dito ang tunay na estado at kahalagahan ng kalikasan, mga tungkulin at responsibilidad ng isang kabataan sa mga nagaganap na sakuna.
Ibabahagi rin ng ilang tagapagsalita ang iba't ibang karanasan o suliranin sa pagbabago ng panahon.
Kabilang sa mga magbibigay ng lecture sina Laguna Lake Development Authorith General Manager, Nereus Acosta, dating Senador Richard Gordon, Environment and Natural Resources Undersecretary for Field Operations Demetrio Ignacio, at National Youth Commission Executive Director Shierwin Taay.
ang aktibidad ay kaalisabay ng paggunita ng Global Warming ang Climate Change Consciousness Week mula ika-25 hanggang ika-29 ng Nobyembre.
Inaabisuhan ang mga interesado na sumadya lamang sa tanggapan ng PYDC sa 2nd Floor, Old Capitol Building o kaya naman ay tumawag sa numerong 09174202492 o 09175951745. (CLJD/CCN-PIA 3)