Kasabihan ng matatanda, 'daig ng maagap ang masipag.' Ito ang lumutang na balita na ikinakasa na ang kandidatura ni 3rd district Congresswoman Czarina 'Cherry' Domingo-Umali na siyang ihahalili kay 3-termer incumbent NE Gov. Oyie Umali matapos i-anunsiyo ng mga taga-Kapitolyo bilang 'clan's standard bearer' ng partido-Liberal sa 2016 gubernatorial race.
Ayon kay NE Gov. Umali, si incumbent NE Vice Gov. Jose Gay Padiernos pa rin ang running mate ng lady solon kung saan ay tiniyak na magkasamang muli ang tambalang Umali-Padiernos.
Sinabi pa ng mataas na pinuno ng pamahalaang panlalawigan na napapanahon na ang pagsibol ng mga kababaihan sa pag-imbulog sa larangan ng pulitika sa bansa maging sa international, national, at sa local political arenas.
Inihalimbawa ni Umali si Chancellor Angela Merkel na kinonsiderang pinaka-powerful na babaeng lider na namuno ar nahalal na dalawang beses sa Germany noong 2008 sapul nang magkaroon ng krisis sa pinansiyal.
Si Habiba Sarabi ng Afghanistan na naging kauna-unahang babaeng gubernador, gayundin si State Secretary Hilary Clinton.
Sa national scene, binanggit din ni Gov. Umali ang pagkapanalo sa pampanguluhan ni democracy Icon Cory Aquino at si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na sumikat din dahil sa women empowerment.
Maging sa Kamara de Representantes ay 79 ang mga lady solons na nanalo noong 2013 May elections at marami ang nanalong babaeng gubernador, mayor, vice mayor at konsehal ng lungsod at munisipyo.
Sa Nueva Ecija lamang, siyam ang mga kababaihang nanalong alkalde sa city at municipal na nagpapakita ng indikasyong nagbabadya ng 'women empowerment' na tulad nina Palayan City Mayor Adrianne Mae Cuevas; Maricel Natividad (Gapan City); Marivic Balena (San Jose City); Elizabeth Vargas (Aliaga;) Nerivi Santos-Martinez (Talavera;) Lovella Belmonte-Espiritu (Zaragoza;) Lorna Mae Vero (Llanera); Areli Grace Santos (Gen. Natividad); at Gloria Congco ng Cabiao.
Ang 41-anyos na Congresswoman ay nagtapos sa UST ng kursong BSC Accounting major at naglingkod bilang credit at collection supervisor sa Isla Communication, Inc., at naging junior audit supervisor ng Giant Eastern Shipping Lines bago pumalaot sa larangan ng pulitika.
Sa Kamara ay marami ding komiteng pinangungunahan at mga major committees noong 14th at 15th Congress hanggang sa maging miyembro ng special committee on welfare of children & special persons.
Ayon naman sa kampo ng Liberal Party sa probinsya, kung papalarin si Cherry, siya pa lang ang maitatalang kauna-unahang babaeng gubernador sa Nueva Ecija.