Binigyang linaw ni Nueva Ecija Governor Aurelio Umali ang kumakalat na balitang magkasama at magkasundo na ang kampo ng Umali at Joson.
Sa isang panayam, sinabi ng gobernador na wala siyang nakikitang masama kung magkaisa man sila ni Mayor Boyet Joson sa pagsusulong ng programang pangkapayapaan at pangkaunlaran.
Ang usapin tungkol sa pagkakasundo ay nagsimula nang magtungo ang punong lalawigan sa bayan ng Quezon sa kasagsagan ng bagyong Juan upang alamin ang kalagayan ng mga mamamayan dito at upang magdala ng tulong sa mga sinalanta ng kalamidad. nabatid na nang dumating si Gob. Umali ay naabutan niya sa evacuation center sina Mayor Boyet Joson at Vice Mayor Lahom na personal na inaasikaso ang mga naging biktima ng bagyo.
"Bilang ama ng lalawigan, tungkulin kong magbigay pugay sa ama ng bawat bayan na aking pinupuntahan sa sakop ng lalawigan ng Nueva Ecija," pahayag ni Umali. Ipinaalam niya kay Joson na siya ay may dalang tulong para sa bayan ng Quezon at iniwan ito sa punong bayan ng nagpahayag naman sa kanya ng pasasalamat.
Bilang tugon, sinabi ni Joson na makakaasa ang gobernador na ang kanyang ipinagkaloob na tulong ay makararating sa kinauukulan. Inamin ng gobernador na masaya siya sa nangyaring ito sa kanila ni Mayor Joson. Naniniwala siyang kung lahat ay makakasundo ng kanyang administrasyon, tao ang magiging panalo sa makabuluhang pagbabagong nagaganap sa probinsya.